Biyernes, Hunyo 27, 2014
Kapag Naiisahan Ako ng Aking Diyos
ni Raquel E. Sison-Buban
Madalas kong kontrolin ang mga bagay-bagay at pangyayari sa buhay
ko dahil ayokong-ayokong pumapalpak. Kasi takot akong mawala at
mawalan. Takot akong mawala sa sirkulasyon ng dati nang nakagawiang
ritmo ng buhay. Takot din akong mawalan nang ini-enjoy na pribilehiyo at
istatus sa buhay. Kaya gusto kong kontrolado ko ang lahat ng bagay sa aking
buhay.
Ano ang iyong
nadama?
Ano ang binago nito
sa iyong pag-uugali?
Bakit mo ibabahagi
sa iba na basahin ito?
Madalas ko ring makita ang sarili kong walang kontrol – lalo na kapag
ginagawa ko ang isang bagay na gustong-gusto kong gawin, o mga bagay na
gustong-gusto kong mapasaakin; maging materyal man o hindi. Bunga ng
mga ito, madalas mangyari sa akin ang mga labis kong kinatatakutan: ang
pumalpak, ang mawala, at mawalan.
Madalas matuklasan na ang may pakana at may kagagawan ng lahat
ng ito ay ang aking Diyos. Sa likod ng lahat ng mga pangyayaring ito sa aking
buhay ang aking Diyos ang siyang nanggugulo sa akin sukat masira ang
lahat ng plano ko sa buhay. Sa tuwing, ako’y madidismaya sa kapalpakan ng
isang plano, madalas kong maisip na, “Naisahan na naman ako ng aking
Diyos!”
Madalas hinahanap ko sa aking sarili ang dahilan kung bakit sa kabila
ng katotohanang ito, hindi pa rin ako matuto-tuto. Plano pa rin nang plano
kahit alam ko namang malaki ang posibilidad na hindi naman ito matutuloy
dahil guguluhin na naman ito ng aking Diyos. Pilit ko pa ring kinokontrol ang
mga bagay kahit alam kong hindi ito nakatutulong sa akin.
Simple lang naman ang gustong sabihin ng aking Diyos. Kailangan
kong ibigay ang lahat ng aking pananalig at pag-asa sa Kaniya. Kailangang
hayaan ko ang Kaniyang kamay na siyang magplano para sa akin.
Kailangang ipaubaya ko sa Kaniya ang plano dahil ang totoo, Siya ang
pinakamahusay na arkitekto ng buhay.
Simple pero mahirap gawin. Gayunman, puwedeng gawin. Lalo’t
hahayaan ko ang aking sariling matakot sa mga dati ko nang kinatatakutan:
ang mawala at mawalan. Eh, ano nga kaya kung mawala ako at mawalan?
Eh, ano nga kaya kung talagang hindi ko na makikilala ang aking sarili dahil
maiiba ang nakagawiang leybel sa akin na ikararangal ko? Eh, ano nga kaya
kung maging palpakin ako? Teka, lalo yata akong natatakot. Pero huhulihin
ko ang aking sarili at paalalahanan, hindi naman iyan ang ibig mangyari sa
akin ng aking Diyos.
Hindi naman ibig ng Diyos na maging palpakin ako. Sa halip, ibig Niya
akong magtagumpay – ibang depinisyon nga lamang siguro ng tagumpay.
Tagumpay na di materyal. Tagumpay na magpapalakas sa aking kahinaan.
Tagumpay laban sa takot. Tagumpay laban sa hindi maipaliwanag na
pagkahumaling sa pagkontrol. Tagumpay na sa kabila ng kabiguan ay makita
ang sariling may bakas pa rin ng tagumpay. Tagumpay na kung kumawala sa
dikta ng nakagawiang ritmo ng buhay. Tagumpay na bukod-tanging ang aking
Diyos lamang at ako ang makauunawa.
Kaya madalas, iniimbitahan ko na ang aking Diyos na bulabugin ako
sa aking buhay.
Tiyo Simon
Dula – Pilipinas ni N.P.S. Toribio
Mga Tauhan:
Tiyo Simon - isang taong nasa katanghalian ang gulang, may kapansanan
ang isang paa at may mga paniniwala sa buhay na hindi
maunawaan ng kaniyang hipag na relihiyosa
Ina – ina ni Boy
Boy – pamangkin ni Tiyo Simon. Pipituhing taong gulang
Oras – Umaga, halos hindi pa sumisikat ang araw.
Tagpo: Sa loob ng silid ni Boy. Makikita ang isang tokador na
kinapapatungan ng mga langis at pomada sa buhok, toniko,
suklay at iba pang gamit sa pag-aayos. Sa itaas ng
tokador,nakadikit sa dingding ang isang malaking larawan ng
Birheng nakalabas ang puso at may tarak itong punyal. Sa tabi
ng nakabukas na bintana sa gawing kanan ay ang katreng
higaan ng bata. Sa kabuuan, ang silid ay larawan ng
kariwasaan.
Iba Pang
Anyo ng
Dula
Melodrama
Sa pagtaas ng tabing, makikita si Boy na binibihisan ng
kaniyang ina. Nakabakas sa mukha ng bata ang pagkainip
samantalang sinusuklay ang kaniyang buhok.
(Biglang uunat ang babae, saglit na sisipatin ang ayos ng anak, saka
ngingiti.)
Ina: O, hayan, di nagmukha kang tao. Siya, diyan ka muna at ako
naman ang magbibihis.
Boy: (Dadabog) Sabi ko, ayaw kong magsimba, e!
Ina: Ayaw mong magsimba! Hindi maa... Pagagalitin mo na naman
ako, e! At ano’ng gagawin mo rito sa bahay ngayong umagang
ito ng pangiling-araw?
Boy: Maiiwan po ako rito sa bahay, kasama ko si ... si Tiyo Simon...
Ina: (Mapapamulagat) A, ang ateistang iyon. Ang ... Patawarin ako
ng Diyos.
Boy: Basta. Maiiwan po ako... (Ipapadyak ang paa)
Makikipagkuwentuhan na lamang ako kay Tiyo Simon...
Ina: (Sa malakas na tinig) Makikipagkuwentuhan ka? At anong
kuwento? Tungkol sa kalapastanganan sa banal na pangalan
ng Panginoon?
Boy: Hindi, Mama. Maganda ang ikinukuwento ni Tiyo Simon sa
akin...
Ina: A, husto ka na ... Husto na, bago ako magalit nang totohanan at
humarap sa Panginoon ngayong araw na ito nang may dumi sa
kalooban
Boy: Pero...
Ina: Husto na sabi, e!
(Matitigil sa pagsagot si Boy. Makaririnig sila ng mga yabag na hindi pantay,
palapit sa nakapinid na pinto ng silid. Saglit na titigil ang yabag; pagkuwa’y
makaririnig sila ng mahinang pagkatok sa pinto.)
Ina: (Paungol) Uh ... sino ‘yan?
Tiyo Simon: (Marahan ang tinig) Ako, hipag, naulinigan kong ...
(Padabog na tutunguhin ng babae ang pinto at bubuksan iyon. Mahahantad
ang kaanyuan ni Tiyo Simon, nakangiti ito.)
Tiyo Simon: Maaari bang pumasok? Naulinigan kong tila may itinututol si
Boy ...
Boy: (Lalapit) Ayaw kong magsimba, Tiyo Simon. Maiiwan ako sa iyo
rito. Hindi ako sasama kay Mama.
Ina: (Paismid) Iyan ang itinututol ng pamangkin mo, Kuya. Hindi nga
raw sasama sa simbahan ...
(Maiiling si Tiyo Simon, ngingiti at paika-ikang papasok sa loob. Hahawakan
sa balikat si Boy.)
Tiyo Simon: Kailangan ka nga namang sumama sa simbahan, Boy. Kung
gusto mo... kung gusto mong isama ako ay maghintay kayo at
ako’y magbibihis ... Magsisimba tayo.
(Mapapatingin nang maluwat si Boy sa kaniyang Tiyo Simon, ngunit hindi
makakibo. Ang ina ay napamangha rin. Tatalikod na si Tiyo Simon at lalabas.
Maiiwang natitigilan ang dalawa. Pagkuwa’y babaling ang ina kay Boy.)
Ina: Nakapagtataka! Ano kaya’ng nakain ng amain mong iyon at
naisipang sumama ngayon sa atin? Ngayon ko lamang siya
makikitang lalapit sa Diyos ...
Boy: Kung sasama po si Tiyo, sasama rin ako ...
Ina: Hayun! Kaya lamang sasama ay kung sasama ang iyong
amain. At kung hindi, e, hindi ka rin sasama. Pero, mabuti rin
iyon ... Mabuti, sapagkat hindi lamang ikaw ang maaakay ko
sa wastong landas kundi ang kapatid na iyon ng iyong ama na
isa ring ...
(Mapapayuko ang babae, papahirin ang luhang sumungaw sa mga mata.
Magmamalas lamang si Boy.)
Ina: (Mahina at waring sa sarili lamang). Namatay siyang hindi man
lamang nakapagpa-Hesus. Kasi’y matigas ang kalooban niya sa
pagtalikod sa simbahan. Pareho silang magkapatid, sila ng
iyong amain. Sana;y magbalik-loob siya sa Diyos upang
makatulong siya sa pagliligtas sa kaluluwa ng kaniyang kapatid
na sumakabilang buhay na ...
(Mananatiling nagmamasid lamang si Boy. Pagkuwa’y nakarinig sila ng hindi
pantay na yabag, at ilang sandali pa ay sumungaw na ang mukha ni Tiyo
Simon sa pinto. Biglang papahirin ng babae ang kaniyang mukha,
pasasayahin ito, at saka tutunguhin ang pinto.)
Ina: Siyanga pala. Magbibihis din ako. Nakalimutan ko, kasi’y ...
diyan muna kayo ni Boy, Kuya ...
(Lalabas ang babae at si Tiyo Simon ay papasok sa loob ng silid. Agad
tutunguhin ang isang sopang naroroon, pabuntung-hiningang uupo. Agad,
naman siyang lalapitan ni Boy at ang bata ay titindig sa harapan niya.)
Tiyo Simon: (Maghihikab) Iba na ang tumatandang talaga. Madaling
mangawit, mahina ang katawan at ... (biglang matitigil nang
mapansing ang tinitingnan ng bata ay ang kaniyang may
kapansanang paa. Matatawa.)
Boy: Bakit napilay po kayo, Tiyo Simon? Totoo ba’ng sabi ni Mama
na iya’y parusa ng Diyos? ...
Tiyo Simon: (Matatawa) Sinabi ba ng Mama mo ‘yon?
Boy: Oo raw e, hindi kayo nagsisimba. Hindi raw kasi kayo
naniniwala sa Diyos. Hindi raw kasi ...
Tiyo Simon: (Mapapabuntong-hininga) Hindi totoo, Boy, na hindi ako na
naniniwala sa Diyos ...
Boy: Pero ‘yon ang sabi ni Mama, Tiyo Simon. Hindi raw kasi kayo
nangingilin kung araw ng pangilin. Bakit hindi kayo nangingilin,
Tiyo Simon?
Tiyo Simon: May mga bagay, Boy na hindi maipaliwanag. May mga bagay
na hindi maipaaalam sa iba sa pamamagitan ng salita. Ang
mga bagay na ito ay malalaman lamang sa sariling karanasan
sa sariling pagkamulat ... ngunit kung anuman itong mga
bagay na ito, Boy, ay isa ang tiyak: malaki ang pananalig ko
kay Bathala.
Boy: Kaya ka sasama sa amin ngayon, Tiyo Simon?...
Tiyo Simon: Oo, Boy. Sa akin, ang simbahan ay hindi masamang bagay.
Kaya huwag mong tatanggihan ang pagsama sa iyo ng iyong
Mama. Hindi makabubuti sa iyo ang pagtanggi, ang
pagkawala ng pananalig. Nangyari na sa akin iyon at hindi ako
naging maligaya.
(Titigil si Tiyo Simon sa pagsasalita na waring biglang palulungkutin ng mga
alaala. Buhat sa malayo ay biglang aabot ang alingawngaw ng tinutugtog na
kampana. Magtatagal nang ilang sandali pagkuwa’y titigil ang pagtugtog ng
batingaw. Magbubuntunghininga si Tiyo Simon, titingnan ang kaniyang may
kapansanang paa, tatawa nang mahina at saka titingin kay Boy).
Tiyo Simon: Dahil sa kapansanang ito ng aking paa, Boy, natutuhan ko
ang tumalikod, hindi lamang sa simbahan, kundi sa Diyos.
Nabasa ko ang The Human Bondage ni Maugham at ako’y
nanalig sa pilosopiyang pinanaligan ng kaniyang tauhan doon,
ngunit hindi ako naging maligaya. Boy, hindi ako nakaramdam
ng kasiyahan.
Boy: Ano ang nangyari, Tiyo Simon?...
Tiyo Simon: Lalo akong naging bugnutin, magagalitin. Dahil doon, walang
natuwang tao sa akin, nawalan ako ng mga kaibigan,
hanggang sa mapag-isa ako ... hanggang sa isang araw ay
nangyari sa akin ang isang sakunang nagpamulat sa aking
paningin.
Boy: Ano iyon, Tiyo Simon...?
(Uunat sa pagkakaupo si Tiyo Simon at dudukot sa kaniyang lukbutan.
Maglalabas ng isang bagay na makikilala na isang sirang manikang maliit.)
Tiyo Simon: Ito ay manika ng isang batang nasagasaan ng trak. Patawid
siya noon at sa kaniyang pagtakbo ay nailaglag niya ito.
Binalikan niya ngunit siyang pagdaan ng isang trak at siya’y
nasagasaan ...Nasagasaan siya, nadurog ang kaniyang isang
binti, namatay ang bata... namatay...nakita ko, ng dalawang
mata, ako noo’y naglalakad sa malapit... At aking nilapitan,
ako ang unang lumapit kaya nakuha ko ang manikang ito at
noo’y tangang mahigpit ng namatay na bata, na waring ayaw
bitiwan kahit sa kamatayan...
Boy: (Nakamulagat) Ano pa’ng nangyari, Tiyo Simon?
Tiyo Simon: Kinuha ko nga ang manika, Boy. At noon naganap ang
pagbabago sa aking sarili...sapagkat nang yumuko ako upang
damputin ang manika ay nakita ko ang isang tahimik at
nagtitiwalang ngiti sa bibig ng patay na bata sa kabila ng
pagkadurog ng kaniyang buto... ngiting tila ba nananalig na
siya ay walang kamatayan...
(Magbubuntunghinga si Tiyo Simon samantalang patuloy na nakikinig lamang
si Boy. Muling maririnig ang tunog ng batingaw sa malayo. Higit na malakas
at madalas, mananatili nang higit na mahabang sandali sa pagtunog,
pagkuwa’y titigil. Muling magbubuntunghinga si Tiyo Simon.)
Tiyo Simon: Mula noon, ako’y nag-isip na, Boy. Hindi ko na makalimutan
ang pangyayaring iyon. Inuwi ko ang manika at iningatan,
hindi inihiwalay sa aking katawan, bilang tagapaalalang lagi sa
akin ng matibay at mataos na pananalig ng isang batang
hangggang sa oras ng kamatayan ay nakangiti pa. At aking
tinandaan sa isip: kailangan ng isang tao ang pananalig, kahit
ano, pananalig, nang sa anong bagay, lalong mabuti kung
pananalig kay Bathala, kung may panimbulanan siya sa mga
sandali ng kalungkutan, ng sakuna, ng mga kasawian... upang
may makapitan siya kung siya’y iginugupo na ng mga
hinanakit sa buhay.
(Mahabang katahimikan ang maghahari. Pagkuwa’y maririnig ang matuling
yabag na papalapit. Susungaw ang mukha ng ina ni Boy sa pinto.)
Ina: Tayo na, baka wala na tayong datnang misa. . Hinanap ko pa
kasi ang aking dasalan kaya ako natagalan. Tayo na,
Boy...Kuya
Boy: (Paluksu-luksong tutunguhin ang pinto) Tayo na, Mama, kanina
pa nga po tugtog nang tugtog ang kampana, e. Tayo na, Tiyo
Simon, baka tayo mahuli, tayo na!
(Muling maririnig ang tugtog ng kampana sa malayo. Nagmamadaling lalabas
si Boy sa pinto. Lalong magiging madalas ang pagtugtog ng kampana lalong
magiging malakas, habang bumababa ang tabing)
Kay Estella Zeehandelaar
Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo
Mula sa Mga Liham ng Isang Prinsesang Javanese Japara,
Mayo 25, 1899
Ibig na ibig kong makakilala ng isang “babaeng moderno,” iyong
babaeng malaya, nakapagmamalaki’t makaakit ng aking loob! Iyong masaya,
may tiwala sa sarili, masigla’t maagap na hinaharap ang buhay, puno ng tuwa
at sigasig, pinagsisikapan hindi lamang ang sariling kapakanan at kundi
maging ang kabutihan ng buong sangkatauhan.
Buong kasabikan kong sinasalubong ang pagdating ng bagong
panahon; totoong sa puso’t isip ko’y hindi ako nabibilang sa daigdig ng mga
Indian, kundi sa piling ng aking mga puting kapatid na babae na tumatanaw
sa malayong Kanluran.
Kung pahihintulutan lamang ng mga batas ng aking bayan, wala akong
ibig gawin kundi ang ipagkaloob ang sarili sa mga nagtratrabaho’t nagsisikap
na bagong kababaihan ng Europe; subalit nakatali ako sa mga lumang
tradisyong hindi maaaring suwayin. Balang-araw maaaring lumuwag ang tali
at kami’y pawalan,ngunit lubhang malayo pa ang panahong iyon. Alam ko,
maaaring dumating iyon, ngunit baka pagkatapos pa ng tatlo o apat na
henerasyon. Alam mo ba kung paano mahalin ang bago at batang panahong
ito ng buong puso’t kaluluwa kahit nakatali sa lahat ng batas, kaugalian at
kumbensyon ng sariling bayan? Tuwirang sumasalungat sa kaunlarang
hinahangad ko para sa aking mga kababayan ang lahat ng mga institusyon
namin. Wala akong iniisip gabi’t araw kundi ang makagawa ng paraang
malabanan ang mga lumang tradisyon namin. Alam kong para sa aking
sarili’y magagawa kong iwasan o putulin ang mga ito, kaya lamang ay may
mga buklod na matibay pa sa alinmang lumang tradisyon na pumipigil sa
akin; at ito ang pagmamahal na inuukol ko sa mga pinagkakautangan ko ng
buhay, mga taong nararapat kong pasalamatan sa lahat ng bagay. May
karapatan ba akong wasakin ang puso ng mga taong walang naibigay sa akin
kundi pagmamahal at kabutihan, mga taong nag-alaga sa akin ng buong
pagsuyo?
Ngunit hindi lamang tinig nito ang umaabot sa akin; ang malayo,
marikit at bagong-silang na Europe ay nagtutulak sa aking maghangad ng
pagbabago sa kasalukuyang kalagayan. Kahit noong musmos pa ako’y may
pang-akit na sa aking pandinig ang salitang “emansipasyon”; may isang
naiibang kabuluhan ito, isang kahulugang hindi maaabot ng aking pangunawa.
Gumigising ito para hangarin ang pagsasarili at kalayaan- isang
paghahangad na makatayong mag-isa. Ang puso ko’y sinusugatan ng mga
kondisyong nakapaligid sa akin at sa iba, buong lungkot na pinag-aalab ang
mithiin kong magising ang aking bayan.
Patuloy na lumapit ang mga tinig na galing sa malayong lupain,
umaabot sa akin, at sa kasiyahan ng ilang nagmamahal sa akin at sa
kalungkutan ng iba, dala nito ang binhing sumupling sa aking puso, nag-ugat,
sumibol hanggang sa lumakas at sumigla.
Ngayo’y kailangang sabihin ko ang ilang bagay ukol sa sarili upang
magkakilala tayo. Panganay ako sa tatlong babaing anak ng Regent ng
Japara. Ako’y may anim na kapatid na lalaki at babae. Ang lolo kong si
Pangeran Ario Tjondronegoro ng Demak ay isang kilalang lider ng kilusang
progresibo noong kapanahunan niya. Siya rin ang kaun-aunahang regent ng
gitnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibayong
dagat-ang sibilisasyong Kanluran. Lahat ng mga anak niya’y may
edukasyong European, at halos lahat ng iyon (na ang ilan ay patay na
ngayon) ay umiibig o umibig sa kanlurang minana sa kanilang ama; at
nagdulot naman ito sa mga anak nila ng uri ng pagpapalaking nagisnan nila
mismo. Karamihan sa mga pinsan ko’t nakatatandang kapatid na lalaki ay
nag-aral sa Hoogere-Burger School, ang pinakamataas na institusyon ng
karunungang matatagpuan dito sa India. Ang bunso sa tatlong nakatatandang
kapatid kong lalaki’y tatlong taon na ngayong nag-aaral sa Netherlands at
naglilingkod din naman doon bilang sundalo ang dalawa pa. Samantala,
kaming mga babae’y bahagya nang magkaroon ng pagkakataong makapagaral
dahil na rin sa kahigpitan ng aming lumang tradisyon at kumbensyon.
Labag sa aming kaugaliang pag-aralin ang mga babae, lalo’t kailangang
lumabas ng bahay araw-araw para pumasok sa eskwela. Ipinagbabawal ng
aming kaugalian na lumabas man lamang ng bahay ang babae. Hindi kami
pinapayagang pumunta saan man, liban lamang kung sa paaralan, at ang
tanging lugar na pagtuturong maipagmamalaki ng siyudad namin na bukas sa
mga babae ay ang libreng grammar school ng mga European.
Nang tumuntong ako ng ikalabindalawang taong gulang, ako ay itinali
sa bahay-kinailangang “ikahon” ako. Ikinulong ako at pinagbawalang
makipag-uganayan sa mundong nasa labas ng bahay, ang mundong hindi ko
na makikita marahil liban kung kasama ko na ang mapapangasawang
estranghero, isang di-kilalang lalaking pinili ng mga magulang ko, ang
lalaking ipinagkasundo sa akin nang di ko namamalayan. Noong bandang
huli, nalaman kong tinangka ng mga kaibigan kong European na mabago ang
pasyang ito ng mga magulang ko para sa akin, isang musmos pa na
nagmamahal sa buhay, subalit wala silang nagawa. Hindi nahikayat ang mga
magulang ko; nakulong ako nang tuluyan. Apat na mahahabang taon ang
tinagal ko sa pagitan ng makapal na pader, at hindi ko nasilayan minsan man
ang mundong nasa labas.
Hindi ko alam kung paano ko pinalipas ang mga oras. Ang tanging
kaligayahang naiwan sa aki’y pagbabasa ng mga librong Dutch at ang
pakikipagsulatan sa mga kaibigang Dutch na hindi naman ipinagbawal. Ito-ito
lamang ang nag-iisang liwanag na nagpakulay sa hungkag at kainip-inip na
panahong iyon, na kung inalis pa sa akin ay lalo nang nagging kaawa-awa
ang kalagayan ko. Lalo sigurong nawalan ng kabuluhan ang buhay ko’t
kaluluwa. Subalit dumating ang kaibigan ko’t tagapagligtas-ang Diwa ng
panahon; umalingawngaw sa lahat ng dako ang mga yabag niya. Nayanig sa
paglapit niya ang palalo’t matatag na balangkas ng mga lumang tradisyon.
Nabuksan ang mga pintong mahigpit na nakasara, kusa ang iba, ang iba
nama’y pilit at bahagya lamang ngunit bumukas pa rin at pinapasok ang mga
di-inanyayahang panauhin.
Sa wakas, nakita kong muli ang mundo sa labas nang ako’y
maglabing-anim na taon. Salamat sa Diyos! Malalabasan ko ang aking
kulungan nang Malaya at hindi nakatali sa isang kung sinong bridegroom. At
mabilis pang sumunod ang mga pangyayari nagpabalik sa aming mga babae
ng mga nawala naming kalayaan.
Nang sumunod na taon, sa oras ng pagtatalaga sa poder ng bata pang
prinsesa (bilang Reyna Wilhemina ng Netherland), “opisyal” na inihandog sa
amin ng mga magulang namin ang aming kalayaan. Sa kauna-unahang
pagkakataon sa aming buhay, pinayagan kaming umalis sa bayan naming at
pumunta sa siyudad na pinadarausan ng pagdiriwang para sa okasyong iyon.
Anong dakila ng tagumpay iyon! Ang maipakita ng mga kabataang babaeng
tulad namin ang sarili sa labas, na imposibleng mangyari noon. Nasindak ang
“mundo” naging usap-usapan ang “krimeng” iyon na dito’y wala pang
nakagagawa. Nagsaya ang aming mga kaibigang European, at para naman
sa amin, walang reynang yayaman pa sa amin. Subalit hindi pa ako
nasisiyahan. Lagi, ibig kong makarating sa malayo, mas malayo. Wala akong
hangaring makipamista,o malibang. Hindi iyon ang dahilan ng paghahangad
kong magkaroon ng kalayaan. Ibig kong malaya upang makatayo ng mag-isa,
mag-aral, hindi para mapailalim sa sino man, at higit sa lahat, hindi para pagasawahin
nang sapilitan.
Ngunit dapat tayong mag-asawa,dapat, dapat. Ang hindi pag-aasawa
ang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang babaeng Muslim. Ito
ang pinakamalaking maipagkakaloob ng isang katutubong babae sa kanyang
pamilya.
At ang pag-aasawa para sa amin-mababaw pa ngang ekspresyon ang
sabihing miserable. At paano nga ba hindi magkakaganoon, kung tila ginawa
lamang para sa lalaki ang mga batas, kung pabor para sa lalaki at hindi para
sa babae ang batas at kumbensyon; kung ang lahat ng kaluwaga’y para sa
kanya lang.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)