Lunes, Hunyo 16, 2014

nang minsang naligaw si adrian, ang ama, anim na sabado ng beyblade


NANG MINSANG NALIGAW SI ADRIAN

(Ito’y kuwento batay sa text message na ipinadala kay Dr. Romulo N.Peralta.

Sa kaniyang muling pagsasalaysay, ang pangalan at ilang mga
pangyayari ay pawang mga kathang-isip lamang.)
Bunsong anak si Adrian sa tatlong
magkakapatid. Siya lamang ang naiba ang
propesyon dahil kapwa abogado ang dalawang
nakatatanda sa kaniya. Dahil may kaya sa buhay
ang pamilya, natupad ang pangarap niyang
maging isang doktor.
Lumaki siyang punong-puno ng
pagmamahal mula sa kaniyang mga magulang at
mga kapatid na nakapag-asawa rin nang
makapagtapos at pumasa sa abogasya. Naiwan siyang walang ibang inisip
kundi mag-aral at pangalagaan ang kaniyang mga magulang.
Matagumpay niyang natapos ang pagdodoktor at hindi nagtagal ay
nakapagtrabaho sa isang malaking ospital. Ngunit sadya yatang itinadhana
na matapos ang dalawang taon mula nang siyang maging ganap na doktor,
pumanaw ang kaniyang pinakamamahal na ina. Naiwan sa kaniya ang
pangangalaga ng ama na noon ay may sakit na ring iniinda.
Malimit siyang mapag-isa sa tuwing nabibigyan ng pagkakataong
makapagpahinga dulot na rin ng hindi niya maiwan-iwanan na ama. Naisin
man niyang magtrabaho at manirahan sa ibang bansa katulad ng kaniyang
mga kapatid, ang katotohanang may nakaatang na responsibilidad sa
kaniyang balikat ang pumipigil sa kaniyang mangibang-bayan upang manatili
sa piling ng ama at alagaan ito hanggang sa kahuli-hulihang yugto ng
kaniyang buhay.
Inggit na inggit siya sa mga kasabayang doktor na nasa kanila nang
lahat ang luho at oras na makahanap ng babaing makakasama habambuhay.
Ayaw rin niyang mapag-isa baling-araw kapag nawala na ang kaniyang ama.
Isang araw, habang nagpapahinga matapos ang halos limang oras na
operasyon, nakatanggap siya ng tawag mula sa kasambahay na
sinusumpong ng sakit ang kaniyang ama. Nagmadali siyang umuwi at sa
kabutihang palad, naagapan naman niya ang ama.
Bahay. Ospital. Bahay. Ospital. Paulit-ulit na takbo ng buhay na
pakiramdam ni Adrian ay matatapos lamang kapag tuluyan nang mawala ang
kaniyang ama. Hindi niya namamalayan, unti-unti niyang nararamdaman ang
pagkaawa sa sarili. Nais niyang makawala sa responsibilidad at magkaroon
ng panahon para sa sarili.
“Daddy, patawad po. Nais ko lamang na lumigaya sa buhay. Nasa
katanghalian na po ako ng buhay ko. Ayaw ko pong mag-isa balang araw
kapag kayo’y nawala.”
Dahan-dahan niyang binuhat ang ama na halos hindi na
makapaglakad nang maayos. Pinasan niya ang ama at isinakay sa kaniyang
kotse. Walang imik na sumama ang ama.
Naglakbay sila nang halos isang oras. Nang sila’y nakarating sa isang
lugar, huminto ang kotse at pinasan ni Adrian ang ama. Tinunton nila ang
daan papasok sa isang kagubatan. Mabigat ang ama kaya paminsan-minsan
ay tumititigil sila sa lilim ng puno upang magpahinga. Wala pa ring imik ang
ama habang binabali ang maliliit na sanga. Napansin niyang tumutulo ang
luha ng anak.
“Bakit ka umiiyak?” tanong ng ama kay Adrian.
“Wala po, Dad.”
Nagpatuloy sa paglalakad si Adrian na pasan-pasan ang ama. Patuloy
rin ang pagtulo ng kaniyang luha. Alam niyang labag sa kaniyang kalooban
ang kaniyang gagawin. Maraming beses din silang tumigil upang magpahinga
at paulit-ulit din ang pagbabali ng ama ng maliliit na sanga ng puno. Napansin
ito ni Adrian.
“Bakit n’yo po binabali ang mga sanga ng puno sa tuwing tayo’y
nagpapahinga, Dad?,” tanong ni Adrian.
Tumugon ang ama na may ngiting namutawi sa kaniyang labi.
“Alam ko nais mo akong iligaw sa loob ng kagubatan. Anak,
palatandaan ito na dito tayo dumaan, para sa pagbalik mo ay hindi ka
maliligaw.”
Lalong bumilis ang pag-agos ng luha ng binata. Walang kaimik-imik,
muling pinasan ni Adrian ang ama at natagpuan ang sariling bumabalik sa
lugar kung saan sila nanggaling.
Alam ni Adrian na hindi na siya maliligaw. Hinding-hindi na.



Ang Ama
(Isinalin sa Filipino ni Mauro R. Avena)

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag
hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot
ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na
nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw
sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsanminsa'y
inuuwi ng ama - malaking supot ng mainit na
pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa
sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama,

lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay
naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kanina pa aali-aligid sa mesa.
Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat -
kahit ito'y sansubo lang ng masarap na pagkain, sa mga pinakamatanda at
malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang
maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang
lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na
payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala
ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki,
kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos
anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat
niyang parte sa mga pinag-aagawan.
Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa
sila ng ama ng kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng
dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan
ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y masayang nakiupo
sa kanila't kumain ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi naguuwi
ng pagkain ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga batang
mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina.
Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng
ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na
nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at
padabog-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan,
takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa
malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha.
Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng
mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga
pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya mahihiya itong lumabas upang
maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi
paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng
nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pagungol
mula sa kanilang ama at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa
nito.
Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa
dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui
Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas
kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib
sa galis na nagkalat sa kaniyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang

mga patse, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang
nakakainis talaga ay ang kaniyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay
tumatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok
ng bahay, namamaluktot nang pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata,
na di-makatulog. Walang pasensiya sa kaniya ang pinakamatandang lalaki at
babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa
pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng
beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si
Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na
nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y nakabubulahaw na sisigaw, at kung
hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon nang
buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na
sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kaniyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla
dahil nasisante sa kaniyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng
isang mahahabang halinghing at hindi mapatahan ng dalawang
pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang ano-ano,
ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na
tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalawgalaw.
Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang
gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina
lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa
sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo roon sa tabi ng gulod.
Ilan sa taganayon na nakatatanda sa sakiting bata ay dumating upang
makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble
ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho.
Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga
palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang
humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay
madaling nakarating sa kaniyang amo, isang matigas ang loob pero mabait
na tao, na noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng
kaniyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng
sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa
asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang
amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa
pagkamatay ng kaniyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling
libangin.
Ngayo'y naging napakalawak ang kaniyang awa sa sarili bilang isang
malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala sa panahong
pagkamatay ng kaniyang dugo at laman. Mula sa kaniyang awa sa sarili ay

bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya madalamhati
siyang nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!"
Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at napakaliit - at
ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga
balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng
mga kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulongbulong,
"Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal
niya ang bata".
Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kaniyang mga luha at saka
tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang
ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kaniyang amo sa asawa
(na kiming iniabot naman ito agad sa kaniya, tulad ng nararapat). Binilang
niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastusin sa alak.
Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay.
Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan
nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi
itong dalang muli ang mga bote ng beer.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking
supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa.
Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon
ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. May supot ng ubas at isang
kahon yata ng biskwit. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon.
Sabi ng pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming
kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng
pinakamatandang babae ay kendi, 'yong katulad ng minsa'y ibinigay nila ni
Lau Soh, na nakatira roon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay.
Ang kambal ay nagkasiya sa pandidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na
sila ano man ang laman niyon. Kaya nagtalo at nanghula ang mga bata.
Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas ito
ng kaniyang kuwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa
mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat
ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot
at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na
wari'y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang
matiyak na hindi sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung saan siya
pupunta." Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang
malayo-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito
at sisigawang bumalik sa bahay, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang ang
isip nito at hindi man lang sila napuna.

Dumating ito sa libingan sa tabing gulod. Kahuhukay pa lamang ng
puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot
na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita,
"Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi
ang mga ito. Sana'y tanggapin mo." Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak,
habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata.
Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit
anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa
katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na
inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi
niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalo-salo sila tulad sa isang
piging na alam nilang ‘di nila mararanasang muli.



Anim na Sabado ng Beyblad (Bahagi Lamang)
ni Ferdinand Pisigan Jarin

Unang Sabado ng paglabas niya nang
hilingin na niyang magdiwang ng kaarawan kahit
hindi pa araw. Nangumbida ako ng maraming tao
kasabay ng biling ‘wag kalimutan ang regalo at
pagbati ng “Happy Birthday, Rebo!”. Kailangang di
niya malimutan ang araw na ito. Dapat
pinakamasaya ang Sabadong ito sa lahat ng
Sabado. Maraming-maraming laruan. Stuffed Toys,
Mini-Helicopter, Walkie-Talkie, Crush Gear, Remote
Controlled Cars, at higit sa lahat, ang Beyblade. Ang paborito niyang
Beyblade. Maraming-maraming Beyblade. Tinanggap niya ang lahat ng ito at
marami pang iba sa kaniyang kaarawan. Sa kaniyang pagtuntong sa limang
taon. Kahit di totoo. Kahit hindi pa araw.
Ikalawang Sabado, naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay muling
naglaro ng beyblade kasama ang mga pinsan.
Tatlong araw bago dumating ang ikatlong Sabado, sorpresa ko siyang
dinalaw. Unti-unti na siyang nanghihina. Bihira na siyang ngumiti. Hindi na
niya makuhang laruin ang beyblade bagamat ayaw niya itong bitiwan sa loob
ng kaniyang kamay o di kaya‟y bulsa. Ang nakapagngangalit, unti-unti na
namang nalalagas ang kaniyang buhok. Subalit pinipilit pa rin niyang maging
malakas bagamat talagang di na kaya ng kaniyang paang tumayo ng kahit
ilang sandali man lang. Nakadudukot na rin siya ng mga matitigas na butil ng
dugo sa loob ng kaniyang gilagid.
Sa labas ng bahay na kanilang tinitirhan, lubos kong ikinagulat nang
tanungin niya ako ng; “Tay, may peya a?” (Tay, may pera ka?) Dali-dali kong

hinugot at binuksan ang aking pitaka at ipinakitang mayroon itong laman.
Agad akong nagtanong kung ano ang nais niya na sinagot naman niya ng
agarang pagturo sa isang kalapit na tindahan. Kung mabilis man akong
nakabili ng mga kending kaniyang ipinabili, mas mabilis siyang umalis agad
sa tindahan at nakangiting bumalik sa aming kinauupuan. Naglalambing ang
aking anak. Nang kami’y pumasok na sa loob ng bahay, naiwang nilalanggam
na ang nakabukas ngunit di nagalaw na mga kendi sa aming kinaupuan.
Tuluyan na siyang nakalbo pagsapit ng ikatlong Sabado. Subalit di na
kusang nalagas ang mga buhok. Sa kaniyang muling pagkairita, sinabunutan
niya ang kanyang sarili upang tuluyang matanggal ang mga buhok. Nang
araw na iyon, kinumbida ng isa kong kasama sa trabaho ang isang mascot
upang bigyan ng pribadong pagtatanghal si Rebo nang walang bayad.
Matapos ang pagtatanghal, bagamat di man lang siya makangiti at
makatawa, kitang-kita sa kaniyang mata ang kasiyahan. Isang kasiyahang
unti-unting humina at nawala.
Di na maikakaila ang mabilis na pagkapawi ng lakas ng aking anak
pagsapit ng ikaapat na Sabado. Di na niya makuha pang ipasok ang pisi ng
beyblade upang mapaikot ito. Ramdam na ang pagod at hingal sa kaniyang
pagsasalita. Kaya kahit nang dalhin ko siya sa isang karnabal, isa lamang
ang ninais niyang sakyan. Ang mga maliliit na helicopter na tumataas at
bumababa ang tila oktupos na galamay na bakal. At sa tuwing tataas,
hahanapin ako ng tingin sa baba at malungkot na ngingitian. Pagkababa,
mabilis na siyang nagyayang umuwi. At pagkauwi’y humiga nang humiga at
paulit-ulit na tumingin sa kawalan.
Huling Sabado ng Pebrero ang ikalimang Sabado. Eksaktong
katapusan. Kasabay ng pagtatapos ng Pebrero ay pumanaw ang aking anak.
Ilang sandali matapos ang sabay na paglaglag ng luha sa kaniyang mga
mata at pagtirik ng mata, ibinuga niya ang kaniyang huling hininga. Namatay
siya habang tangan ko sa aking bisig. Hinintay lamang niya ang aking
pagdating. Di na kami nakapag-usap pa dahil pagpasok ko pa lang ng
pintua’y pinakawalan na niya ang sunod-sunod na palahaw ng matinding
sakit na di nais danasin ng kahit sino.
“Sige na, Bo. Salamat sa apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.”
Ikaanim na Sabado nang paglabas ni Rebo sa ospital. Huling Sabado
na masisilayan siya ng mga nagmamahal. Wala na ang beyblade at ang mayari
nito. Payapa na silang nakahimlay sa loob ng kabaong. Magkasamang
tutungo sa lugar na walang sakit, walang gutom, walang hirap. Payapang
magpapaikot at iikot. Maglalaro nang maglalaro. Habang kaming mga naiwan
ay paglalabanan at pag-aaralang tanggapin ang kirot ng pagkalungkot.



25 komento:

  1. gustong gusto ko ang mga kwentong nasa modyul na ito dahil nag ku kwento ito tungkol sa mga magagaling nating mga ama.....
    ~Sheila Cobrado :))

    TumugonBurahin
  2. Salamat po grabe yung storyang ang ama :(

    TumugonBurahin
  3. Napakagandang kwento ng 'Nang Minsang Naligaw si Adrian'. Bakit? Iba kasi ang naiwang impresyon nito saakin. Simple ngunit nangingibabaw ang emosyon at nakakapagbigay rin ng aral. Mabuti!

    TumugonBurahin
  4. Salamat po. Nawa ay mapasainyo ang kamay ng Maykapal.

    TumugonBurahin
  5. Thank you po, makakapag review na ako para sa exam namin

    TumugonBurahin
  6. Bakit binabali ng ama ni Adrian ang sanga ng puno tuwing silay nagpapahinga

    TumugonBurahin
  7. Maraming salamat po malaking tulong po Ito sa module ko😊

    TumugonBurahin
  8. bakit sa iyong palagay pinapagatang nang minsang naligaw si adrian ang kwento?

    TumugonBurahin